Mainit na mainit at kabi-kabila na naman ang kampanya ngayong nalalapit na ang panahon ng halalan. Kanina lang mga bandang alas kwatro ng madaling araw nakarinig ako ng ingay na tila may mga hinihilang tubo ng bakal. Kalaunan napag-alaman ko na nagtayo pala ng pansamantalang entablado sa kalsada malapit lang sa aking bahay. Mga bandang ala sais ng umaga na ng magsimulang umalingawngaw ang mikropono at nagsalita ang punong abala sa programa. Mga ilang sandaling kulitan ang naririnig ko at maya-maya pa ang sinimulan na nila ang programa sa pamamagitan ng isang awitin mula sa isa sa mga nangunguna sa pagsasalita. Matapos iyon ay isa-isa ng tinawag ang mga personalidad na nakalinya na mag salita sa programa.
Unang tanong na pumasok sa isip ko ay kung bakit kaya hindi sinimulan ang programa sa isang panalangin na madalas na ginagawa sa ibang programa. O kaya naman ang tradisyon na pagpupugay sa watawat ng bansa kaakibat ang pagkanta ng pambansang awit ng Pilipinas. Naisip ko baka nagmamadali ang mga nag organisa ng programa na ito at marahil marami pa silang lugar na pupunthan upang kumampanya. Gayunman tila ba nalilimutan na ang paglilingkod sa bayan o bansa ay marapat lamang maipakita muna sa pagbibigay respeto sa bandila at pambansang awit nito.
Ito ang pinakamagandang pagkakataon upang makilala, hindi man ng lubos, kundi masalamin man lamang ang pagkakakilanlan ng bawat kandidato na tumatakbo para sa eleksyon. Nararapat pa bang iboto ang mga kandidatong ito o dapat pa nga bang bomoto?
Bilang isang ordinaryong Juan, maraming beses ko ng naitatanong sa aking sarili, ano nga ba ang dahilan at nagkakandarapa sa pagtakbo ang mga pulitikong ito? Sa pagkakaalam ko naman ay maliit ang sweldo at mahirap ang trabaho sa posisyon sa Senado, Kongreso o maging sa lokal na gobyerno? Subalit sa kabila ng lahat ng ito tila ba mailap ang kasagutan sa tanong ko.
Sa kampanya pa lamang kabi-kabila na ang gastos ng mga pulitiko. Magmula sa paligid ng kalsada, dyaryo, radyo at hanggang sa telebisyon ay makikita ang mga pinagkakagastusan ng mga kandidato. Sa balita ko ay milyon din ang halaga na ginugugol dito, pero para ano? Para makilala ng taong bayan? Para mailuklok sa pwesto na karampot lang naman ang nakalaan na pagkakakitaan? Nasaan nga ba ang lohika ng mga pangyayaring ito?
Sinubukan ko na himay-himayin ang mga posibilidad. Kung ako si Juan dela Cruz na tatakbo para sa Kongreso, popular pero mahirap lang ako.Ano ang tsansa ko na manalo? Malamang kulelat ako sa botohan sapagkat wala akong makinarya at malaking halaga upang ipangtustos sa kampanya sa buong kapuluan. Tanging popularidad ko lamang ang aking aasahan na magpapanalo sa akin sa halalan. Bagaman at ang aking tanging asam ay ang makapaglingkod sa aking bayan at kababayan, naisip ko, karapat-dapat nga ba ako sa posisyon na aking nais pwestuhan? Marahil ay oo kung ang pagbabasehan lamang ay ang taos-pusong pagnanais na makapag lingkod sa bayan. Subalit ano nga ba ang trabaho sa Kongreso? Ako ba ay merong sapat na kaalaman upang tuparin ang trabaho ng isang mambabatas? O aasa na lamang ba ako sa mas nakakaalam sa batas na aking kukunin para maging empleyado oras na ako ay mag opisina na sa Kongreso? Mananatili na lamang ba akong palamuti dahil lamang sa ako ay sikat o kilalang indibidwal? Nasa tamang gulang at pag-iisip na ba ako upang magampanan ko ang gawain sa Kongreso? Kailangan ba na ako ay nasa gobyerno o pamahalaan upang makatulong sa bayan? Ito marahil ang mga katanungan na siyang magbibigay sa aking ng dahilan upang magdalawang-isip na tumakbo sa halalan.
Paano naman yung ibang kandidato dyan? Mayaman, maimpluwensya subalit tanging interes lang ay ang mapanitili at patuloy pang yumanan? Hindi nga kaya magandang pagkakataon ang halalan?
Hindi nga ba madali lang naman, kung paano ang magpayaman sa oras na manalo ka sa halalan? Bakit nga ba matatakot ang isang pulitiko na gumastos sa kampanya kung alam naman na madali lang mababawi lahat? Una na bakit kailangang gumastos ng milyon kung ang suswelduhin mo lang naman ay maliit na halaga na halos ay kulang pa sa gastusin ng pamilya mo sa isang buwan. At kung meron kang milyon para itustos sa kampanya, ilan kayang pamilya sa lugar mo ang sobra sa sapat na makikinabang kung sa halip na kampanya ay tulong sa pinansyal, pagkain, projekto ng pabahay, patubig o pang tuition sa kanilang pag-aaral ang iyong paglalaanan? Hindi nga kaya ang dahilan ng lahat ng pag gastos na ito sa kampanya ay sa dahilang meron mas malaking pakikinabangang personal ang kandidato sa sandaling mapaupo na siya sa luklukan. Sa huli sino ang talunan, hindi ba ang taong bayan? Subalit sino nga ba ang dapat sisihin, kandidato na nabigyan ng kapangyarihan o taong bayan na siyang bumoto sa halalan?
Nakakatawa gayundin naman ay nakakagalit sa tuwing nakakakita ako ng panawagan at kampanya sa telebisyon. Tila ba wala pa rin akong nakikita na kandidato na may tunay na adhikain para sa pagbabago. Patuloy pa rin na ang laman ng kanilang pananalita ay gasgas na salita ng pekeng pag-asa at pangako. Wala pa ring pagbabago na tila ang tingin palagi ng kandidato sa mga bumoboto ay tanga at madaling magoyo. Ang kampanya at halalan ay parang isang sarsuela na nagsisimula at natatapos ang kwento sa pagtatanghal. Matapos ang lahat ano pa nga ba ang aasahan, e tapos na ang palabas sa bulwagan.
Hangga't patuloy na may boto na nabibili, o mangmang na botante, walang maaasahan na tamang kandidato na mapipili.Kung hindi kayang manindigan sa sarili, paano mo maitatama ang sariling pagkakamali.
Sa lahat ng ito sino nga ba ang naloloko at sino ang umaasenso? Ano nga ba ang nananatiling bulok hanggang sa panahon na ito?
No comments:
Post a Comment